Ilang barbershop, salon nagtaas-singil para sa mga gamit vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 04:11 PM | Updated as of Jun 07 2020 06:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bahagyang nagtaas ng singil sa serbisyo ang ilang barbershop at salon sa Quezon City para matustusan ang mga gastos sa mga gamit laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Pinayagan na ngayong Linggo na magbukas ang mga barber shop at salon sa mga lugar na nasa general community quarantine, kagaya ng Metro Manila, at iyong nasa modified GCQ, para sa mga nais magpagupit ng buhok.

Pero hanggang 30 percent lamang sa kanilang kapasidad ang operasyon ng mga nasa GCQ, at 50 percent naman sa mga nasa MGCQ.

Nasa P50 ang taas-singil na ipinatupad ng ilang barbershop sa may West Avenue, habang P20 naman sa salon sa Kamuning Road, base sa pag-iikot at panayam ng ABS-CBN ngayong Linggo.

Ilang buwan ring nagsara ang mga barber shops at salons dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine.

Mula P200, nasa P250 na ang singil sa barbershop, habang P90 naman ang singil sa salon mula P70.

Ang nasabing barberya ay nagpapatupad ng "no face mask, no entry policy", at 2 beses ding pinapatapak sa bahang may disinfectant ang mga kostumer.

Kukuhanan din ang mga kostumer ng body temperature at bibigyan ng alcohol para sa kamay.

Kailangan ding ibigay ng kostumer ang pangalan at iba pang detalye sa mga tauhan ng barberya sakaling kailanganin sa contact tracing.

Pinagsusuot naman ang mga barbero ng personal protective equipment (PPE), gloves at face mask, habang ang kostumer ay naka-face mask din.

Kailangan ding i-disinfect o linisin ang mga gamit, tulad ng gunting at suklay, bago at pagkatapos magpagupit.

Naglagay ng mga palatandaan sa sahig na nagsasaad kung saan lamang dapat tumapak ang mga kostumer na papasok at palabas ng establisimyento.

Ayon kay Robert Casuay, may-ari ng barbershop, bukod sa mga safety protocol, naka-book o schedule ang kanilang mga kostumer.

May ilang nagwa-walk-in at mayroon ding VIP room para sa mga senior citizen, ani Casuay.

Sa isang salon naman sa Kamuning Road, matumal ang dating ng mga kostumer ngayong Linggo dahil gupit lang ang alok nilang serbisyo.

Maliban sa mga plastic na divider, lahat ng mga naggugupit ay naka-PPE, face mask, at gloves.

Ayon kay Jackie Jaboneta, receptionist sa salon, kailangan munang hintayin ng kanilang mga kostumer ang kanilang tawag o text para sa schedule ng appointment.

Sa ganoong paraan umano ay maiiwasan ang siksikan sa salon at maipapatupad ang physical distancing.

"Hindi kami nagpapa-waiting kasi bawal. Tini-text ko lang po o tinatawagan bago sila pumunta para deretso na silang magawa," ani Jaboneta.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.