Dagdag na ruta ng mga bus sa Metro Manila aarangkada sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 05:16 PM

Aarangkada na simula Lunes ang dagdag na ruta ng mga bus sa Metro Manila bilang bahagi ng dahang-dahang pagbabalik-operasyon ng mga pampasaherong sasakyan sa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine.

Kasama sa mga rutang bubuksan ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga sumusunod:

  • Monumento - Valenzuela Gateway Complex (VGC)
  • Gilmore - Taytay
  • Monumento - San Jose del Monte
  • Buendia - Bonifacio Global City (BGC)

Ayon sa LTFRB, 36 na bus unit ang ide-deploy sa rutang Valenzuela-VGC, 15 sa Gilmore-Taytay, 105 sa Monumento-San Jose del Monte, at 12 sa Buendia-BGC. 

Inaayos na ng LTFRB ang fare matrix para sa mga nasabing ruta.

"Ito na ang regular run ng ating buses, hindi na ito ang free ride, pero mayroon pa rin pong free rides para sa medical o health workers," ani LTFRB technical division head Joel Bolano.

"Kailangan naka-mask [ang pasahero]. No mask, no ride tayo," dagdag niya.

Sa mga identified bus stops lamang na inilagay sa mga ruta maaaring bumaba ang mga pasahero.

Sa ngayon, aabot na sa 1,000 bus ang pinayagan ng LTFRB na muling bumiyahe sa mga bagong ruta para magsakay ng mga commuter na nagtatrabaho sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Matatandaang huminto ang pampublikong transportasyon nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon noong Marso para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

"'Pag lahat ng uri ng public transport pinayagan nating bumiyahe, mabibigyan sila ng wrong impression at wrong expectation na anytime gusto nilang lumabas ng bahay ay makakabiyahe kaagad sila," paliwanag ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran.

"Sa June 21 inaasahang almost all of the 31 rationalized bus routes will become operation already," aniya.

Inanunsiyo rin ng Metropolitan Manila Development Authority na suspendido pa rin ang regular at modified number coding scheme dahil sa limitado operasyon ng public transport sa Metro Manila.

PATAKARAN SA VALENZUELA TERMINAL

Samantala, sa VGC, kailangan munang mag-fill out ng mga pasahero ng contact tracing form bago dumaan sa metal detector at thermal scanner.

Bago naman pumasok sa waiting area, kailangan munang maghugas ng kamay at umapak sa foot bath.

Magpapatupad din ng one-way passenger traffic at social distancing sa mga upuan ng terminal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.