Zero-waste school canteen, bubuksan sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 09:09 AM

Bubuksan sa bayan ng Cauayan sa Negros Occidental ang isang zero-waste school canteen na layong mapalakas ang kampanya para mapangalagaan ang kapaligiran.

Gawa sa kawayan ang mga baso at mula sa bao ng niyog naman ang mga bowl. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga proyekto ng mga estudyante ng Bulata National High School para sa kanilang zero-waste canteen.
 
Isinusulong ng pamunuan ng eskuwelahan ang paggamit ng biodegradable, indigenous at reusable material upang lalong lumakas ang kampanya laban sa plastic at nang mapangalagaan ang kapaligiran.

Ayon sa school principal na si Eiggy Duller Yap, gusto nilang maging inspirasyon din sa iba pang paaralan ang zero-waste school canteen.

“Sa other schools, I hope it will inspire them. It is one of the models in solving problem sa plastic and at the same time, it's not only solving plastic, it's also making our children healthy,” sabi ni Yap.

Ang pagtaguyod ng zero-waste canteen sa tulong ng Philippine Reef and Rainforest Conservation Foundation Incorporated ang magbibigay atensyon din sa kalusugan ng may 400 estudyante at guro.

Ito ay sa pamamagitan ng mga sariwa at locally-produced na pagkain na siyang mabibili sa pagbukas ng school canteen simula sa Hulyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.