Umano'y #ShopeeScam iniimbestigahan ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 06:34 PM | Updated as of Jun 07 2019 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan na ng Department of Trade and Industry ang mga reklamo ng ilang users ng Shopee ukol sa pagpili ng online shopping app ng mabibigyan ng ticket sa meet and greet ng K-pop girl group na Blackpink. 

Kasunod ito ng pag-trend nitong Huwebes ng gabi sa Twitter ng #ShopeeScam dahil sa umano ay hindi pagkakaloob ng mga tiket sa mga sumunod sa kalipikasyan ng promo nila. 

Ayon sa mechanics na inaprubahan ng DTI, mabibigyan ng tiket ang isang user ng Shopee kapag kasama ito sa 568 na pinakamaraming ginastos sa online shopping app mula Mayo 14 hanggang 25. Ang mga nasa Top 40 na pinakamaraming nagastos naman ay mabibigyan ng tsansang magpa-autograph sa mga miyembro ng all-girl group.

Base rin sa mechanics, kailangan nilang ipasa ang proof of purchase sa Shopee hanggang June 1. Pero imbes na June 1 ay pinalitan ang petsa at pinaaga ng Shopee ang deadline ng submission ng proof of purchase sa May 25 nang walang abiso sa DTI at sa mga customer.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na may 119 umanong hindi nabigyan ng ticket, at may 119 pa na napagkaloob naman ng tiket na hindi naman daw nanalo sa promo, na umano'y nag-ugat sa "system error." 

Aabot daw sa 10 ang naghain na ng reklamo sa kanilang opisina. 

"Kino-correct ng Shopee, in-admit nila ang error, sinasabi nilang system error dahil inadvertently nabigyan ng passes 'yung 119 na hindi dapat," ani Lopez. 

Ayon pa kay DTI Fair Trade Enforcement Bureau director Ronnel Abrenica, may ilan umanong nanalo na bumiyahe pa galing sa malayong lugar pero hindi nabigyan ng tiket. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasama si alyas "Kia" sa mga hindi pinapasok sa venue. Gumastos umano siya ng mahigit P20,000 at nakatanggap noong Hunyo 3 ng mensahe na isa siya sa mga nanalo ng "tiket." Pero binawi raw ito ng Shopee noong Hunyo 5, at sinabing hindi siya nanalo.

"Nalaman ko na some friends spent lesser than [me]... Nakakuha (sila) ng tickets and got good seats," aniya. 

Ayon pa kay Kia, inalukan sila ng vouchers kapalit ng abala, pero hindi na raw nila ito tinanggap. 

Sa isang pahayag ilang oras matapos ang meet-and-greet, humingi ng paumanhin ang Shopee. 

"Although we took immediate steps as soon as we discovered our errors to ensure the rightful winners of our contest could claim their prizes, we know that the entire process caused confusion, disappointment, and upset for many Shopee users and Blackpink fans," anila. 

Nakatakdang magpulong ang Shopee at DTI sa Lunes para mapag-usapan ang insidente kasama ang 119 na dapat mabibigyan ng tiket. 

Babantayan din umano ng DTI ang pagbibigay ng Shopee ng pa-konsuwelo sa mga naapektuhang kostumer. 

"They should have a program to settle all complaints. We will watch this closely," ani Lopez. 

Gayunman, aniya, may paglabag sa nangyari at maaaring pagmultahin ng P300,000 ang kompanya. Posible ring hindi na sila makaulit ng kaparehong event. 

"Apparently there were changes in mechanics on the last day of promo. This is a violation and there’s penalty for this. Maximum of P300,000 per Consumer Act," ani Lopez sa hiwalay pang pahayag.

Nanawagan ang DTI sa iba na magpasa ng reklamo sa [email protected] at tumawag sa kanilang hotline na 1384. 
 
-- May ulat nina Jacque Manabat at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.