Sanggol sugatan sa sunog sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 07:50 PM

Kuha ni Jessa Navales

Nalapnos ang mga braso ng 1-anyos na sanggol matapos masunog ang bahay nito sa Pili, Camarines Sur nitong Huwebes ng hapon.

Nagpapagaling sa Bicol Medical Center ang bata na nagtamo ng third degree burns.

Ayon sa ama nitong si Leomar Navales, nasa trabaho daw siya nang mangyari ang sunog, habang ang kaniyang asawa ay bumibili sa tindahan.

Nang sumiklab ang sunog dali-daling kinuha ng nanay ang sanggol na natutulog sa loob ng bahay ng mga oras na iyon.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection-Pili, nagsimula ang sunog sa stove na napabayaang may sindi.

Masakit para kay Leomar na makita ang sitwasyon ng bunsong anak.

"Naheherak ako duman sa aki. Grabe si lugad sa hawak...Pag nahihiling ko napapahibi ako kan sitwasyon," aniya.

(Naaawa ako sa bata, grabe yung sugat niya sa katawan. Pag nakikita ko, naiiyak ako sa kaniyang sitwasyon).

Bukod sa bahay nina Leomar, nadamay din ang bahay ng kapatid nitong si Jomel.

Ang pamilya ni Jomel, sa waiting shed na malapit sa nasunog nilang bahay natulog noong Huwebes ng gabi.

Hangad nila ang tulong para muling makapagsimula ang kanilang mga pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.