Rotational brownout ipatutupad sa ilang probinsiya sa Luzon

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 03:04 PM

MAYNILA — Nag-abiso ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nitong Biyernes na magkakaroon ng rotational brownout sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente sa Luzon grid. 

Sabi ng NGCP, posibleng maapektuhan ng Manual Load Dropping (MLD) ang mga konsumer ng Meralco, LUELCO sa La Union, QUEZELCO II sa Quezon, PENELCO sa Bataan, APEC sa Albay, at CANORECO sa Camarines Norte.

Itinaas ang red alert sa Luzon grid alas-10 ng umaga at tatagal ito hanggang alas-4 ng hapon. Ibabalik naman ito sa yellow alert mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. 

Ang yellow at red alert ay hudyat na manipis ang reserba ng kuryente. 

Sabi ng NGCP, posibleng maibalik ang kuryente kapag bumaba na ang demand sa grid. 

Pinayuhan ng NGCP ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente.

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.