Koleksiyon ng baril ng yumaong sundalo, isinuko sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 04:05 AM

MAYNILA - Isinuko Huwebes ng hapon ang koleksiyon ng baril ng isang yumaong sundalo na itinago sa isang hukay sa Maricaban, Pasay City.

Ayon kay Police Col. Gilbert Yang, hepe ng Pasay City police, nakipag-ugnayan sa kanila ang anak ng sundalo para isuko ang mga armas.

Natakot aniya ang pamilya na maaari silang maaresto dahil hindi lisensiyado ang mga baril.

Namatay ang padre de pamilya noong Disyembre at may ranggo itong colonel nang magretiro sa militar.

Narekober sa hukay ang 4 na rifle, 3 kalibre .45 na baril, 3 kalibre .22 na revolver at higit 1,500 bala.

Itu-turn over ang mga armas sa Firearms and Explosives Division sa Camp Crame. Isasailalim din ang mga ito sa ballistics test upang masuri kung nagamit sa krimen.

Paalala ng mga awtoridad, mag-renew lagi ng lisensiya kapag nag-expire ito.

Kung hindi lisensiyado ang naipamana o nakuhang baril, isuko agad ito sa pulisya. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.