Duterte nais mapanagot ang mga pasimuno ng 'ghost dialysis' scam

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 07:00 PM | Updated as of Jun 07 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na papanagutin at kasuhan ang mga nasa likod ng anomalya ukol sa dialysis center na umano'y kumukubra mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit patay na ang mga pasyente.

Sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sinabi nitong paparusahan ang sino mang matutuklasang dawit sa bogus dialysis treatments. 

"The President directs the management of the PhilHealth to institute criminal actions against those officials and employees who wittingly or unwittingly allowed such misuse of funds to take place for years... All persons involved in the alleged fraud will be prosecuted and face accountability," aniya. 

Iniulat noong Huwebes ng pahayagang Philippine Daily Inquirer ang patuloy umanong pangungubra ng WellMed Dialysis and Laboratory Center sa PhilHealth.

Ayon sa dating empleyado ng pasilidad na si Edwin Roberto, naghahain ng claim ang WellMed sa PhilHealth kahit patay na ang ginagamot na pasyente.

Bawat PhilHealth member kasi ay puwedeng magkaroon ng 90 na dialysis session kada taon na may halagang P2,600 kada treatment.

Depensa naman ni PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo nitong Biyernes, nagkaroon ng antala sa pag-iimbestiga nila dahil sa mabagal na pagkumpirma kung pumanaw na nga ba talaga ang isang pasyenteng nagpapa-dialysis. 

"The delay was getting death certificates from PSA (Philippine Statistics Authority). We even requested the families to help us, authorize us in getting the certificates," Domingo said.

May 2,000 ospital, centers at mga doktor ang iniimbestigahan ng PhilHealth dahil sa posibleng false claims sa iba-ibang sakit at medical procedures.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.