DSWD chief tinanggap ang sorry ni Tulfo pero naglatag ng kondisyon

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 06:09 PM | Updated as of Jun 07 2019 07:58 PM


Tinanggap na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista nitong Biyernes ang pagso-sorry ng broadcaster na si Erwin Tulfo dahil sa magaspang na pag-uugaling ipinakita nito sa kaniyang programa laban sa kalihim. 

Matatandaang nagpahayag ng disgusto at nagbanta pa si Tulfo na sasampalin si Bautista dahil sa pagtanggi nitong magpainterbyu. 

Pero hindi pa matutuldukan ang sigalot nina Tulfo at Bautista sa simpleng "sorry" lang. 

Sa isang pahayag, sinabi ni Bautista na dapat isapubliko ni Tulfo ang paghingi niya ng tawad sa pamamagitan ng diyaryo, social media platforms, at radyo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hihingi ng paumanhin si Ginoong Erwin T. Tulfo na ipapalabas niya sa mga pangunahing dyaryo sa sukat na hindi liliit sa kalahating pahina na kaniyang babayaran. Ipapalabas din niya itong paghingi ng paumanhin sa social media platforms katulad ng: Facebook, Twitter, Instagram at Youtube at sa mga estasyon ng radio katulad ng: DZBB, DZMM, Radio Singko News FM 92.3, DZRH at DZRB," sabi ni Bautista. 

Sa halip na magkaso pa para sa danyos dahil sa paninirang puri, pinagbabayad na lang ni Bautista si Tulfo ng hindi bababa sa P300,000 donasyon sa 19 na ahensiya at institusyon, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard, at mga unit na siniserbisyuhan ng DSWD.

Narito ang listahan:

1. Philippine Military Academy
2. Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated
3. Association of Generals and Flag Officers
4. First Scout Ranger Regiment, PA
5. Special Forces Regiment (Airborne), PA
6. Light Reaction Regiment, PA
7. Philippine National Police Special Action Force
8. Philippine Naval Special Operations Group, PN
9. Philippine Marines Special Operations Group, PN
10. Philippine National Police Maritime Group
11. Trust Fund for the City of Marawi’s Internally Displaced Persons (IDPs) to be administered by DSWD BARM
12. Philippine Veterans Hospital
13. AFP Victoriano Luna Medical Center
14. Philippine National Police Camp Crame General Hospital
15. Philippine Army General Hospital
16. Philippine Navy General Hospital
17. Philippine Air Force General Hospital
18. Philippine Coastguard General Hospital
19. An Educational Trust Fund for the deserving children of DSWD employees to be deposited at the Landbank

Sa kabilang banda, ipinasasauli naman ng PNP Firearms and Explosives Office ang mga baril ni Tulfo.

Ayon kay Police Lt. Col. Regina Abanales, tagapagsalita ng PNP Civil Security Group, napaso na kasi ang license to own and possess firearms (LTOPF) ni Tulfo noong Mayo. 

"Our Firearms and Explosives Office have not cancelled or revoked the licenses of the Tulfo brothers, but a letter has been sent to Erwin Tulfo for him to surrender his [firearms] for safekeeping since his LTOPF has expired," sabi ni Abanales.

Wala pang tugon si Tulfo sa pahayag nina Bautista at PNP.

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.