Drug bust, nauwi sa engkuwentro, 1 patay

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 02:57 PM | Updated as of Jun 07 2019 03:38 PM

Nanlaban umano ang suspek nang matunugang mga operatiba ang katransaksiyon niya sa Bacolor, Pampanga. Larawan mula sa Bacolor Municipal Police

Patay ang isa umanong drug suspek matapos na makipagbarilan ito sa mga pulis sa Barangay Cabalantian sa Bacolor, Pampanga, Biyernes ng madaling araw.

Nakilala ang napatay na suspek na si Arjin Bondoc, taga-San Fernando City.

“Nung na-sense nung suspek na he was dealing with a policeman, and he was about to be arrested nag-resist yung suspek. He drew his firearm and fired upon our operatives which prompted the latter to retaliate in defense,” paliwanag ni Police Major Louie Gonzaga, hepe ng Bacolor Police.

Narekober sa kaniya ang 13 sachet ng hinihinalang shabu, P500 na marked money at ang ginamit na baril.

“Bukod sa paggiging listed drug personality, may record po siya for theft so in a sense notorious itong suspek,” dagdag ni Gonzaga.

Giit naman ng pamilya ng namatay na wala silang alam sa mga transaksyon ng kaanak. Pinabulaanan din nila ang mga akusasyon ng pulisya laban kay Bondoc.

Si Bondoc na ang ikatlong napatay sa operasyon laban sa ilegal na droga sa bayan ng Bacolor mula pa noong Marso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.