PatrolPH

DOH pinaghahanda ang publiko vs mga sakit na nakukuha sa tag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 05:08 PM

MAYNILA — Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko nitong Biyernes na paghandaan na ang mga sakit na madalas nakukuha tuwing tag-ulan.

Partikular na umano rito ang mga sakit na diarrhea, typhoid fever, cholera, leptospirosis, malaria, at dengue. 

"It is best to arm ourselves with weapons against these diseases even before the onset of the rainy season by building a strong resistance against these illnesses and practicing personal hygiene and environmental sanitation,” ani Health Sec. Francisco Duque III sa isang pahayag.

Sabi ng DOH, nakukuha ang diarrhea, typhoid fever, at cholera sa mga pagkain at inumin. Kaya't kung hindi sigurado sa iinumin, pakuluan ito nang tatlong minuto para maiwasan ang mga itinuturing na "food and water-borne diseases." 

Payo din ng DOH na takpan nang maayos ang pagkain at iniimbak na tubig para hindi umano ito makontamina ng mga insekto gaya ng langaw o lamok para iwas-dengue. 

Mahalaga rin anila ang paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain, at pagkatapos gumamit ng banyo. 

Abiso rin nila na umiwas sa mga baha at panatilihing malinis ang bahay para maiwasan ang leptospirosis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.