Batang nakatapon ng bigas, patay sa pambubugbog ng ama

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 06:54 PM | Updated as of Jun 08 2019 07:35 PM

Isang ama sa Davao del Norte ang kinasuhan ng parricide, habang nasa pangangalaga na ng lola ang iba pang anak ng suspek.

SANTO TOMAS, Davao del Norte—Patay ang 5 taong gulang na lalaki matapos umano itong bugbugin ng kaniyang ama sa loob ng kanilang bahay sa Purok 7, Barangay Kinamon, Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, nagalit umano ang suspek na si alyas Gilbert, 32, nang matapon ng biktima ang pinaglaruang bigas.

Watch more in iWantTFC

Una umano nitong pinalo ang nakatatandang kapatid ng biktima. Pinagbuntunan naman ng galit ng ama ang biktima nang sabihin ng kapatid nitong siya ang may sala.

Pinapasok ng ama ang bata sa kuwarto at doon pinagpapalo, pinagsisipa at pinagsusuntok umano hanggang sa mamatay.

Inilibing agad ang batang biktima 2 araw matapos ang krimen.

Nakakulong na ngayon sa Santo Tomas Police Station si Gilbert na puno ng pagsisisi sa nagawa.

Pero aniya, nadala lang siya sa kaniyang problema sa asawa na nasa abroad.

Kinasuhan na ng parricide si Gilbert habang inaaruga na ng lola ang ibang anak ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.