Bangkay ng ginang natagpuan sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 11:16 AM

Natagpuan ang bangkay ilang metro lang ang layo mula sa kaniyang bahay. Larawan mula sa Cavinti Police


Nangangamoy na ang bangkay ng isang 38 anyos na ginang nang matagpuan ng kaniyang binatilyong anak sa bayan ng Cavinti sa Laguna.

Ayon sa hepe ng Cavinti Police na si Police Capt. Abelardo Jarabero, ang biktima ay nakilalang si Felisa Meneses.

Natagpuan ang kaniyang bangkay na nakasubsob sa putikan ilang metro lang ang layo sa kanilang kubo sa Sitio Calminue, Barangay Cansuso. 

Lumalabas sa imbestigasyon na ang biktima at anak lamang niya ang nakatira sa bahay na nasa gitna ng bukid. Walang malapit na kapitbahay ang mag-ina kaya walang makuhang testigo sa krimen.

Nabatid din na isang linggo na ang nakaraan nang iwan ng anak ang kaniyang ina para maghanap ng trabaho sa Batangas.

Hindi na nakita pa ng anak ang ina nang bumalik ito sa kanilang bahay. Kinabukasan, ang masangsang na amoy ang nagdala sa kaniya sa kinaroroonan ng bangkay ng ina.

Walang nakitang mga sugat sa katawan ng biktima pero may palatandaan na sinakal ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.