3 umano'y miyembro ng Abu Sayyaf arestado sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 12:05 AM

ZAMBOANGA CITY - Tatlong hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf group ang naaresto sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Moises Tamayo, regional director ng National Bureau of Investigation-Western Mindanao, may arrest warrant ang tatlo kaugnay sa nangyaring kidnapping sa Golden Harvest Plantation sa Lantawan, Basilan noong 2001.

Sa isang liblib na komunidad ng Barangay Arena Blanco, nakausap ng ABS-CBN Zamboanga ang ilang kaanak ng 2 sa tatlong naarestong lalaki.

Ayon kay Marpua Isnani, pamangkin niya ang isa sa 3 hinuli ng NBI, na si Majok Amiel, 40 anyos.

Pero mariing itinanggi ni Isnani ang bintang ng NBI na isang bandido ang kaniyang pamangkin.

Hindi umano nakarating ng Basilan si Amiel at nasa lungsod lang nang mangyari ang 2001 kidnapping.

Mangingisda si Amiel at may 2 anak. Ayon sa 16-anyos niyang panganay, hindi siya makapaniwala sa bintang laban sa kanilang ama.

Nagkamali lang umano ang mga operatiba ng NBI dahil ni minsan ay hindi niya nakita ang kaniyang ama na sumama sa mga bandido sa Basilan.

Ilang oras matapos maaresto si Amiel, ay inaresto din ng NBI si Jamil Ibrahim sa Barangay Arena Blanco.

Naglalakad sa daan si Ibrahim papunta sa isang tindahan, nang bigla siyang arestuhin ng mga taga-NBI at ipinasakay sa isang sasakyan.

Itinanggi ng kaniyang nanay na si Aling Jahang na naging miyembro ng Abu Sayyaf si Ibrahim.

Nagtra-trabaho umano sa Sabah, Malaysia si Ibrahim nang mangyari ang kidnapping sa Lantawan, Basilan.

Ayon kay Jahang, mabuting anak si Ibrahim na siyang sumusuporta sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pangingisda.

Sa isang pamilihan naman naaresto ng NBI ang isa pang umano’y wanted na bandido.

Inaasahang dadalhin sa Maynila ang 3 umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Biyernes ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.