2 dawit sa 100 holdapan sa mga jeep, UV Express timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 05:23 PM | Updated as of Jun 07 2019 09:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natimbog ng Quezon City Police District (QCPD) ang 2 holdaper ng mga jeep at UV Express matapos umano ang higit 100 beses na pagnanakaw ng mga ito. 

Kinilala ang dalawang suspek na sina Dominador Dar, Jr. at Joseph Manguddatu, na nasakote sa isang follow-up operation matapos nakawan ang isang babae na kabababa lang sa UV Express sa Quezon Avenue. 

Nagkahabulan pa pero natimbog din ang dalawa. 

Aminado ang mga naaresto na 2013 pa sila nagsimulang mangholdap sa buong Metro Manila. Aabot na rin daw sa higit 100 beses ang kanilang ginawang pagnanakaw. 

"Maraming beses na po... Hindi naman po kami nananakit sa mga hinoholdap namin," depensa ni Manguddatu.

"Sa loob po ng isang linggo, 2 beses kami nanghoholdap, kung saan lang po kami abutan du'n na. Iyung gadgets binebenta ng lider namin," sabi naman ni Dar. 

"Paulit-ulit na sila. May nauna silang mga hinoldap kaya du'n namin sinimulan ang investigation hanggang sa natiyempuhan din namin sila," sabi ni Police Lt. Col. Carlito Mantala, hepe ng QCPD station 11. 

Narekober naman ng mga pulis ang mga patalim at ang motorsiklong gamit ng mga suspek. 

Nasa 2 hanggang 3 salarin pa ang pinaghahanap ngayon ng QCPD na kasabwat nina Dar at Manguddatu.

Nanawagan din ang pulisya sa mga nabiktima na magtungo sa kanilang tanggapan. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.