Pinas, ikalawang di-payapang bansa sa rehiyon: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 10:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nananatiling pangalawa ang Pilipinas sa mga hindi payapang bansa sa Asya Pasipiko. Ayon sa isang pandaigdigang survey, dahil ito sa mga insidente ng patayan sa kampanya kontra droga ng gobyerno, at ang Marawi siege. 

Pero hindi dapat ikaalarma ang lumabas na report, ayon sa isang eksperto.

Ayon kay Prof. Rommel Banlaoi, chairman ng board ng Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research, hindi na siya nagulat sa ulat dahil isinaalang-alang nito ang dami ng namatay sa bansa dahil sa karanasan.

Tingin din ni Banlaoi, sa pangkalahatan ay nananatiling payapa ang bansa, lumalago rin ang ekonomiya, at pinupuntahan pa rin ng mga turista at namumuhunan.

"No cause for serious alarm pero we really have to improve on the way we conduct our 'war on drugs' and at the same time prevent another siege to happen anywhere in the Philippines para naman mag-improve ang ating ranking," ani Banlaoi.

Sa score na 2.512, sinusundan ng Pilipinas ang nangungunang pinaka-hindi mapayapang bansa na North Korea, batay sa Global Peace Index report na inilabas ng Institute for Economics and Peace (IEP). 

Ayon sa survey, bumaba ang grado ng Pilipinas dahil sa patuloy na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra droga at ang nasa 1,200 na namatay dahil sa Marawi siege. 

"The Philippines suffered particularly badly as President Duterte continued his assault on alleged drug dealers and from the five-month battle between government forces and Islamic militants who took over the city of Marawi, resulting in almost 1,200 militants, government forces and civilians killed," saad ng bahagi ng report.

Ipinagtanggol naman ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde ang kampanya kontra droga at krimen.

"They are all perceptions, nakikita natin. Probably isa ito na epekto doon sa, you know, 'yong ibang sector na maraming human rights violations... when in fact, kapag pumunta sila, we want these people siguro to go to our country and see for themselves kung ano talaga ang sitwasyon ng peace and order dito sa ating bansa," ani Albayalde.

Sa pakikipagpulong din ni Albayalde kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, tiniyak ng hepe na pangangalagaan ng pulis ang karapatang pantao sa gitna ng alegasyon ng mga summary execution sa war on drugs. 

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.