MILF, nais makilahok sa bicam ng panukalang BBL

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nais ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na payagan silang makilahok sa bicameral conference committee na tatahi sa pinal na bersiyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ayon kay MILF vice chairman Ghazali Jaafar, dapat matutukan nila ang diskusyon upang siguruhing hindi lalabnaw ang maipapasang batas. 

Giit nila, makatutulong kasi ang BBL na makumbinsi ang mga grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Maute para suportahan ang prosesong pangkapayapaan lalo na kung solido ito.

"How can we convince them if the BBL passed in Congress of the Philippines is inutile?" ani Jaafar.

Paalala pa ni Jaafar, hindi tuluyang makapagbababa ng armas ang MILF kung walang BBL.

"When there is no BBL, there is no decommissioning for us. That is a policy," ayon sa lider. 

Sa Hulyo 9-13 pa itinakda ng Kamara at Senado ang pag-uusap para pag-isahin ang kanilang magkaibang bersiyon ng bill.

Tiniyak naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na tatalima sa Saligang Batas ang magiging pinal na bersiyon ng BBL taliwas sa pangamba ng ilan.

Dapat din daw "manaig" ang kanilang mga probisyon na isinusulong.

“We will assure that we will secure the amendments of the Senate. Particularly the amendments reiterated within the jurisdiction of the Constitution," paliwanag ng senador.

Alvarez muntik 'talikuran' dahil sa BBL

Kuwento naman ng isang kongresista, muntik nang malaglag sa posisyon si House Speaker Pantaleon Alvarez sa kainitan ng deliberasyon ng BBL sa Kamara.

Ayon kay Tawi-Tawi Representative Ruby Sahali, may nasa 50 kongresista mula Mindanao ang nagbantang kumalas sa mayorya kung ipipilit ang probisyong magpapalawig sa teritoryo ng Bangsamoro sa pamamagitan ng plebisito sa loob ng 25 taon.

"Sa totoo lang po in ensuring na ma-deliver ng House itong BBL, it almost collapsed the leadership of our Speaker... Muntik kaming matanggalan ng [speaker] because of this," pag-amin ni Sahali.

Sa huli, nagpasya ang Kamara na gawin sa isang plebisito na lang ang pagraratipika ng BBL. 

Matatandaang Mayo 31 nang ipasa ng parehong kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersiyon ng BBL.

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng isang Bangsamoro political entity na hahalili sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ito ang nakikitang solusyon upang magkaroon ng mas malawak na self-rule ang mga Muslim sa kanilang mga probinsiya at siyudad. 

Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagpapasa ng BBL ay isang pagtatama sa "historical injustices" na dinanas ng mga Moro.

Sinubukang ipasa ang BBL noong nakaraang administrasyon sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino ngunit hindi na ito umarangkada matapos ang madugong Mamasapano clash noong 2015.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.