Media man, patay sa pamamaril sa Davao del Norte

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 05:18 PM | Updated as of Jun 07 2018 07:01 PM

PANABO CITY (UPDATE) - Patay sa pamamaril ang isang mamamahayag sa Panabo City, Davao del Norte Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Dennis Denora, 67, publisher ng diyaryong Trends and Times sa Davao del Norte.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sakay si Denora ng kaniyang sasakyan kasama ang kaniyang drayber nang lapitan at barilin ng mga hindi pa kilalang salarin na sakay ng motorsiklo.

Ayon kay Chief Insp. Frederick Deles, Deputy Chief ng Panabo City Police, tinamaan din sa kamay ang driver ni Denora at tumakas 200 metro ang layo mula sa crime scene.

Base sa nakuhang bala sa pinangyarihan ng insidente, .45 caliber pistol ang ginamit na armas ng mga salarin.

Dagdag pa ni Deles, posibleng may kinalaman sa trabaho ni Denora bilang mamamahayag ang pagpaslang.

Nag-request na ng kopya ng mga diyaryo ang pulisya para maimbestigahan ang laman nito at baka may nakaaway ito sa lalawigan.

Magsasagawa ng Special Investigation Task Group ang Panabo Police para sa malalimang imbestigasyon.

-- ulat nina Henry Atuelan at Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.