2 umano'y miyembro ng Maute timbog sa checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 08:27 AM | Updated as of Jun 07 2018 10:59 AM

CAGAYAN DE ORO - Naharang ang 2 hinihinalang miyembro ng Maute Group sa checkpoint sa Barangay Tablon sa lungsod na ito, Miyerkoles ng hapon.

Ikinasa ang checkpoint matapos makatanggap ng impormasyong dadaan doon ang mga suspek na hindi pa tukoy kung saan galing at papunta, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao police.

Nakuha mula sa lalaki at babaeng suspek ang 2 granada at isang kalibre .45 na pistol.

Nagpadala umano ang mga suspek ng medical supplies sa Maute Group nang kubkubin nito ang Marawi City noong nakaraang taon, ayon sa pulisya.

Sangkot din anila ang 2 sa pagplano ng pag-atake sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila nitong Enero, na hindi naman natuloy.

Parehong nurse ang suspek na mula sa General Santos City.

Nasa kustodiya sila ng Northern Mindanao police at kakasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.