Trillanes kumpiyansang papanigan ng ICC vs Duterte

Danny Buenafe, ABS-CBN News Europe Bureau

Posted at Jun 07 2017 10:09 AM | Updated as of Jun 08 2017 03:00 AM

THE HAGUE, Netherlands - Kumpiyansa si Senador Antonio Trillanes na papaboran ng International Criminal Court ang kanilang supplemental complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihain nina Trillanes at Magdalo Rep. Gary Alejano nitong Martes ang 45-pahinang reklamo na tinawag nilang, "Digong the Grave Digger, a Look into the Philippine President's Bloody War on Drugs." 

Giit ni Trillanes, matibay ang kanilang mga ebidensya at testigong magpapatunay na mayroon umanong sistematikong pagpatay sa mga drug suspect na ipinapatupad ang pulisya sa utos ng Pangulo. 

Sayang aniya na ibinasura ng Kongreso sa Pilipinas ang testimonya ng mga testigo at pagharap ng ebidensya sa pagdinig ng impeachment complaint na inihain ni Alejano.

"We have witnesses both doon sa mga law enforcement side. yung mga gumagawa noon whether before and recently and iyung mga biktimang nakasaksi ng mga pangyayari," ani Trillanes. 

Dagdag ni Alejano: "Maganda dito walang super majority dito sa ICC, wala ito sa control ng Presidente o ng Kongreso o mga kaalyado." 

Binanggit ni Trillanes na sa kasaysayan ng ICC, inaabot ng 2 hanggang 6 na buwan ang paghain ng desisyon ng korte sa anumang reklamo.

Dahil dito, kumpiyansa aniya siya na makakakuha sila ng pabor na desisyon bago matapos ang taon. 

BUWELTA NG PALASYO

Minaliit naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang supplemental complaint na aniya ay ibinatay lamang sa "hearsay" at mga alegasyong walang basehan.

“Unfortunately for the misguided lawmakers, they cannot hope to cure a complaint which is intrinsically flawed and, worse, was filed before a tribunal that does not even have jurisdiction in the first place,” ani Panelo. 

Maaari lamang hawakan ng ICC ang isang kaso kung mapapatunayan na walang kakayahan o kagustuhan ang Senado na resolbahin ito. 

Bahagi ng posibleng imbestigasyon ng ICC ay ang pagpapadala ng mga composite teams sa Pilipinas para mag-obserba, ayon kay Trillanes.