Seguridad sa Baragatan Festival sa Palawan, magiging mahigpit

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 08:02 PM

PALAWAN - Inaasahang magiging mahigpit ang seguridad sa Palawan sa pagbubukas ng Baragatan Festival sa Biyernes.

Ngayon pa lang, hinahanapan na ng car pass ang mga sasakyang pumapasok sa compound ng kapitolyo ng lalawigan.

Humihingi na rin ng paumanhin ang kapitolyo sa gagawing paghihigpit sa pag-check sa mga gamit ng mga papasok sa kapitolyo oras na magsimula na ang Baragatan Festival.

"Panawagan lang doon sa ating mga kababayan na a-attend, na pupunta sa kapitolyo, huwag lang mainis na pagdating sa gate, siyempre iche-check, iche-check lahat ng bag, titingnan. Medyo hassle lang ng kaunti, pero 'yun po ay sa ating kaligtasan," ani Gil Acosta Jr., provincial information officer.

Dodoblehin umano ang paghihigpit ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Asahan rin umano na mas maraming awtoridad ang itatalaga sa paligid ng kapitolyo.

"Meron tayo sa labas, 'yung ating mga Marines siguro or Army, sa loob 'yung ating mga pulis, plus meron tayong mga operatiba na hindi naka-uniform roaming around the capitol para tingnan 'yung ating seguridad. Kasi kung may mangyari ngayon, kahiya-hiya. So, nasa top of our priorities yung security and safety," dagdag pa ni Acosta.

Matatandaang noong Abril ay naghigpit ng seguridad sa probinsya sa gitna ng banta ng pag-atake ng Abu Sayyaf group. 

Ang Baragatan Festival ang pinakamalaking pagdiriwang sa Palawan kung saan nagkikita-kita ang mga mamamayan mula sa 23 munisipyo ng probinsya. 

Makikita sa festival ang iba’t ibang produkto, tourism destinations at kultura sa Palawan. Inaasahan din ang pagdating ng mga bisita mula sa iba’t ibang lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.