Backhoe operator, patay sa gulpi

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 04:15 AM

ISABELA – Namatay ang isang backhoe operator mula sa Barangay Santos sa bayan ng San Agustin sa Isabela matapos umanong gulpihin ng mga magkapatid na katrabaho.

Sa imbestigasyon ng pulisya, Lunes ng gabi nang makipag-inuman ang biktima na si Joel Cogay, 56, sa kaniyang mga katrabaho sa kanilang bunkhouse sa Barangay Masaya Sur.

"Ayon sa pagsasaliksik ng ating mga imbestigador nagkaroon nga ng pag-aaway, at habang umiinom sila ay nagkaroon sila ng pagtatalo sa trabaho dahil sa heavy equipment," ani police Inspector Allan Jude Pascual, deputy chief of police ng San Agustin.

Umuwi muna umano ang biktima sa kanilang bahay bago bumalik sa kanilang bunk house dala ang tire wrench.

Pagbalik ni Cogay, nakaalitan muli niya ang magkapatid na sina Norbert Lamug, 26 taong gulang, at Herson Lamug, 22 taong gulang.

Nauwi sa panggugulpi ang alitan sa pagitan ng mga magkakatrabaho.

"Nagpatuloy iyong kanilang pag-aaway, itong biktima, komo siya ay nag-iisa, ay natumba siya at pinagtulungan nitong mga suspek at saka pinukpok sa ulo ng bato," paliwanag ni Pascual.

Aminado naman ang mas nakatatandang Lamug na napukpok niya sa ulo ang biktima, pero iginiit na ipinagtanggol lang niya laban kay Cogay ang kanyang pinsan na kasama rin nilang uminom.

Tumanggi naman munang magbigay ng pahayag ang kaniyang kapatid. Kapwa haharap sa kasong homicide ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.