Antibacterial soap, nakasasama sa kalusugan?

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 06:21 PM | Updated as of Jun 07 2017 11:59 PM

Nagbabala ang isang grupo laban sa paggamit ng mga produktong may antibacterial properties tulad ng mga sabon.

Ayon sa EcoWaste Coalition, mahilig ang mga Pinoy sa mga produktong may antibacterial properties ngunit nakasasama ito sa kalusugan imbes na makatulong.

Paliwanag ng grupo, may dalawang sangkap ang mga ito: ang triclosan at triclocarban. Ito ay mga synthetic o hindi natural na mga kemikal na itinuturing na medical disinfectants (maaaring panlaban sa impeksiyon) at kadalasanan nang inilalagay ngayon sa ilang mga cosmetic products o pampaganda. 

“We make our immune system weak. We can no longer fight and ward off unnecessary diseases that our body can naturally take care of… Our fear of the 'super bug' and wanting to be clean may be doing us a great disfavor and exposes us to great danger," ayon kay Rene Pineda ng EcoWaste Coalition.

Dagdag pa ng grupo, nakapagpapalala ito ng antibiotic resistance lalo na't naitatapon ang mga residue nito sa tubig, kanal, ilog at dagat, at nakukuha ng mga lamang dagat na kinakain ng tao.

FDA: Ligtas gamitin ang mga kemikal

Pero para sa Food and Drug Administration (FDA), ligtas gamitin ang mga kemikal basta’t tama ang sukat. 

Ayon sa drug relation officer ng FDA na si Rhoda Manaloto, hindi naman nila pinapayagan ang isang produkto kapag lumagpas sa mga itinakdang porsiyento o sukat ng kemikal. 

“The use of triclosan in toothpaste, hand soaps, they have a maximum concentration of 0.3 percent. When you use mouthwash, ang maximum concentration is 0.2 percent and with triclocarban, its the maximum of 1.5 percent… Di ka puwedeng lumagpas. ‘Pag lumagpas, disapproved. We don’t allow it here in the Philippines,” sabi ni Manaloto.

Sa mga produktong kanilang binantayan, iisa pa lang ang bumagsak sa kanilang standard.

“Mayroon po kaming nahuli pero ang sabi ng kumpanyang ito, hindi na sila magpapasok. Si Yoko feminine soap. Mataas po ang triclosan content nito. Nag-recall po kami nito. Commitment ng company ‘di na daw sila magpapasok ng produktong ito,” ani Manaloto.

Dagdag pa ng FDA, nagpupulong na rin sa ASEAN para pag-usapan kung dapat ba silang sumunod sa hakbang ng Amerika na nakatakdang ipagbawal ang mga produktong may triclosan at triclocarban simula Setyembre.

Dapat gawin para sa pag-iingat

Payo ng FDA sa publiko, maging mapagmatyag sa mga produktong bibilhin, suriin ang mga ingredients, at tingnan kung may ipinababawal dito.

Kung may nakasulat na triclosan o triclocarban, tignan kung sakto ito sa sukat na pinapayagan ng FDA at kung wala, magduda na at i-check sa website nila kung ligtas na itong gamitin.

Pero para sa EcoWaste Coalition, huwag nang gumamit ng mga produktong may ganitong mga sangkap at gumamit ng simpleng sabon lang at tubig dahil ito naman ang pinaka-epektibong pamamaraan kontra bacteria sa katawan.

Bukod sa mga sabon, nilalagyan din ng triclosan at triclocarban ang toothpaste, body gels, deodorants na non-spray, face powders, blemish concealers, nail products, shampoo, hair conditioner at facial cleansers.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.