MAYNILA -- Tinanggal na sa pwesto ang city director ng Angeles, Pampanga kasunod ng pagkakaaresto ng kanyang pitong tauhan dahil sa umano'y pagkakasangkot nila sa ilegal na pag-aresto at pangingikil.
Sinibak sa kaniyang posisyon si Angeles City Director P/Col. Juritz Rara nitong Lunes at kasalukuyang iniimbestigahan, base sa utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Benjamin Acorda Jr.
Ito ay ayon kay PNP public information officer (PIO) Chief P/BGen. Redrico Maranan.
"He was administratively relieved and pending investigation whether he is liable or not in command responsibility. As of now, nandoon siya ngayon sa Police Holding and Accounting Unit ng Regional Office 3," ani Maranan.
Kasado na rin, aniya, ang inutos ni Acorda na malawakang pag-inspeksiyon ng mga regional director, at ground commanders sa mga jail facility sa bansa.
Matatandaang sinibak na rin sa pwesto si Rara noong 2017 bilang chief of police ng Mabalacat, Pampanga matapos siyang masangkot at ang lima pang indibidwal sa "tanim-droga" modus ng ilang kapulisan.
Inaasahan aniya ni Acorda ang mabilis na resulta ng inspeksiyon.
Bukod sa malawakang imbestigasyon, mag-iikot din sa mga kulungan ang mga PNP personnel ng Human Rights Affairs Office para matiyak na hindi nalalabag ang karapatan ng mga nakakulong.
World War 3?
Samantala, sinabi ni Maranan na walang inilabas na memo o dokumento ang PNP na may ginagawang paghahanda umano sila sa World War 3.
Ito'y matapos na may kumalat na memo sa social media na galing sa PNP at nakasaad dito na pinalalakas at pinaiigting umano nila ang internal at external defense para sa paghahanda sa giyera.
Nananawagan naman ang opisyal sa publiko na huwag agad maniwala sa mga nababasa sa social media at beripikahin muna ang impormasyon kung ito ay totoo.
"Atin pong suriin nang maigi at kung maaari ipagbigay alam niyo sa pinakamalapit na himpilan ng mga kapulisan at huwag natin ipakalat sapagkat 'yung mga ganito pong mga dokumento ay magdudulot lamang ng pagkaligalig sa ating mamamayan at hindi naman po totoo. So kailangan maging mapanuri tayo," ani Maranan.
Kasabay nito, nagbabala naman si Maranan sa mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon lalo na sa social media na maaaring maharap sila sa paglabag sa anti-cybercrime law.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.