PatrolPH

40 mangingisda nailigtas matapos banggain ng barko ang bangka

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2023 09:07 PM

MAYNILA - Nasagip ng Philippine Coast Guard ang 40 mangingisda matapos na banggain ng isang barko ang kanilang fishing vessel na Ron Kirby 4 sa Lubang Island sa Occidental Mindoro Martes ng madaling araw.

Ayon kay Batangas Coast Guard Station Commander, Capt. Victorino Acosta, naka-angkla ang fishing vessel nang banggain ng isang hindi matukoy na barko bandang alas-4 ng madaling araw.

Rumesponde ang barko ng Philippine Coast Guard at nasagip ang mga mangingisda.

Dinala ang mga nailigtas na mangingisda sa Calatagan Port sa Batangas kung saan sinuri ang kanilang kalagayan.

Isa-isa na ring kinukunan ng pahayag ang mga nakaligtas na mangingisda para matukoy kung anong barko ang bumangga sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.