Nakontamina ng abo ang isang water source sa Barangay Puting Sapa sa Juban, Sorsogon kasunod ng pagputok ng Bulkang Bulusan. Aireen Perol
Apektado ang inuming tubig ng mga residente sa isang barangay sa Juban, Sorsogon matapos makontamina ng abo ang pinagkukuhanan nito kasunod ng pagsabog ng Bulkang Bulusan.
Kung dati ay napakalinaw ng tubig sa isang bukal sa Barangay Puting Sapa, nagbago na ito matapos makontima ng abo galing sa Bulusan, na pumutok noong umaga ng Linggo.
"Medyo mabaho po siya dahil doon sa abo... napakaganda po niyan. Dito po naliligo, binibista pa ng ibang barangay kasi malamig at malinis ang tubig," patungkol ng residenteng si Dave Resari sa bukal.
Ayon naman kay Arvee Lodronio ng Juban disaster office, prayoridad ding malinis ang tangke ng tubig.
"'Yong wino-worry natin, kapag umulan, sigurado papasok 'yong tubig galing sa source papunta doon sa ating main tank. Priority natin ngayon since tubig ang main na pangangailangan ay malinisan kaagad ang ating tangke," ani Lodronio.
"Naki-coordinate na tayo sa local water system at isang advise, ma-drain muna ang tangke at malinisan at make sure na wala na talagang abo," dagdag niya.
Pansamantalang nagrasyon ng tubig ang municipal disaster office para sa mga residente pero kinakapos sila ng water container ngayon sa dami ng mga bibigyan.
Laking pasasalamat naman umano ng mga residente ng Juban dahil kahit papaano'y may mga relief good na dumadating.
— Ulat ni Aireen Perol
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Bulusan, TV Patrol, TV Patrol Top