MAYNILA - Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa pamilya ng security guard na binundol at sinagasaan ng SUV nitong Linggo.
Ayon kay Atty. Jerusha Villanueva, hepe ng City Legal Department, pinatutukan na nila sa pulis ang insidente.
"The matter is now being thoroughly investigated by our local police. We will make sure that the perpetrator is brought to justice," aniya.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamilya ng biktima para matulungan sa gastusin sa ospital.
Kasalukuyan pang inoobserbahan sa pagamutan ang security guard na nagulungan ng SUV sa katawan.
"We are also in the process of reaching out to Mr. Floralde, to extend the legal and financial assistance that he might need," dagdag pa ni Villanueva.
Ayon kay Mandaluyong police chief Col. Gauvin Unos, nakilala na nila ang drayber ng RAV4 na sumagasa sa guwardiya.
Pero tumanggi ang pulisya na magbigay ng impormasyon ukol sa driver, na sasampahan umano ng kasong frustrated murder.
Samantala, sinuspinde na ng Land Transportation Office ang lisensiya ng motoristang bumangga sa security guard.
Ayon rin kay LTO Chief Asec. Edgar Galvante, naipadala na nila sa pamilya ng may-ari ng sasakyan ang show cause order at natanggap na nila ito.
Inimbitahan na rin nila ang kapwa may-ari ng sasakyan at ang nagmamaneho ng sasakyan sa isang imbestigasyon ngayong Martes, Hunyo 7.
Ayon rin kay Senator-elect JV Ejercito, nakipag-ugnayan na sa kaniya ang tatay ng drayber ng RAV4, at nangakong sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng biktima.
Handa rin umano ang mga itong harapin ang anumang kasong isasampa sa kanila.
Nauna nang nag-alok ng P50,000 na pabuya si Ejercito para sa makakapagbigay ng impormasyon sa may-ari ng nasabing sasakyan.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.