Dinalhan ng ABS-CBN Foundation ng home repair materials ang 286 pamilya sa Barangay Cab-ilan sa bayan ng Dinagat matapos mawasak ng Bagyong Odette ang kanilang mga tahanan. Retrato mula sa Facebook page ng ABS-CBN Foundation
Laking-tuwa ng mga taga-Barangay Cab-ilan sa bayan ng Dinagat, Dinagat Islands dahil sa hindi nila inasahang biyaya, ilang buwan matapos mawalan ang karamihan sa kanila ng maayos na tirahan bunsod ng Bagyong Odette.
Dinalhan ng ABS-CBN Foundation ng home repair materials ang 286 pamilya sa barangay upang makumpuni ang kani-kanilang mga tahanan. Kasama rito ang mga yero, plywood at pako.
Kasama sa mga nabigyan ng materyales si Robert Edisan, na 5 buwan nang nakikitira sa biyenan dahil tinangay ng baha ang kanilang bagong bahay noong kasagsagan ng Odette noong Disyembre.
"Gustong gusto ko nang bumalik [sa sariling bahay]... kapag nakatira lang tayo sa ibang bahay, kung ano gusto natin, hindi natin magawa," sabi ni Edisan.
Pilit umanong inaayos ni Edisan ang kaniyang bangka para makapangisda, para may makain ang kanilang pamilya.
Ang ibang kapwa mangingisda ni Edisan ay nagsasama-sama pa sa iisang bangka para makapalaot at may pantustos din sa pamilya.
Disyembre nang tumama ang Bagyong Odette sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, kung saan tinatayang higit 400 ang nasawi.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.