PatrolPH

Driver ng SUV na ginulungan ang sekyu, tukoy na

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2022 01:11 PM | Updated as of Jun 06 2022 07:26 PM

Watch more News on iWantTFC

Natukoy na ng mga awtoridad ang driver ng isang SUV na sumagasa sa isang mall security guard sa Mandaluyong, sabi ngayong Lunes ng pulisya.

Ayon kay Mandaluyong police chief Col. Gauvin Unos, nakilala na nila ang driver ng RAV4 na sumagasa sa guwardiya noong Linggo — isang insidenteng nakuhanan ng video na agad nag-viral sa social media.

Pero tumanggi ang pulisya na magbigay ng detalye ukol sa driver, na sasampahan umano ng kasong frustrated murder.

Patuloy naman ang pagpapagaling sa ospital ng guwardiya, na stable na ang kondisyon.

Batay sa video na kumalat sa social media, makikitang hinaharang ng sekyu ang sasakyan pero sa halip na tumigil, binangga nito ang guwardiya.

Kahit natumba ang guwardiya sa kalsada, hindi huminto ang driver at patuloy na nagmaneho kaya nagulungan pa ang biktima.

Ayon kay Unos, traffic management lang ang pakay ng guwardiya sa pagharang sa driver upang makapagbigay-daan sa ibang motorista dahil nasa junction ito.

Nakiusap din si Unos sa ibang motorista na igalang ang batas-trapiko at mga nagpapatupad nito at kapag may aksidente ay hintuan at alamin ang sitwasyon.

Naglabas naman ng show-cause order ang Land Transportation Office laban sa driver, na inatasang humarap sa investigation division sa Martes, ala-1 ng hapon.

Pinatawan din ng 90-day preventive suspension ang lisensiya ng nakasagasa.

Nagpaabot naman ng tulong pinansiyal ang security agency ng biktima.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.