Pulis, 4 iba pa timbog sa umano'y pangingikil sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2021 11:35 AM

Pulis, 4 iba pa timbog sa umano'y pangingikil sa Pampanga 1
Limang tao, kabilang ang isang pulis, ang naaresto dahil umano sa pangingikil sa mga truck driver sa Pampanga. Retrato mula sa Philippine National Police

Limang tao, kasama ang isang pulis, ang nahuli matapos umanong mangikil ng pera sa mga truck driver sa Pampanga, sabi ngayong Linggo ng pulisya.

Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), aabot sa higit P800,000 cash ang nakuha sa mga suspek na nahuli sa entrapment operation sa San Simon Exit.

Pinaniniwalaang ang perang nakuha ay nakolekta umano nila sa mga truck driver.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya ukol sa pagkuha ng pera ng mga suspek sa mga dumadaang truck driver sa Apalit kapalit ng hindi paghuli sa kanila at para makadaan.

Kasama sa mga nahuli si Police Corp. Leomar Calegan at 4 na iba pang miyembro ng Truck Ban Traffic Management Office sa lugar, ayon sa mga pulis.

Nakiusap si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa publiko na isumbong sa kanila ang mga ilegal na ginagawa ng mga pulis.

Posible umanong maharap sa patong-patong na kaso ang mga naaresto, kasama ang graft at robbery extortion.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC