PatrolPH

Mga pulis na rumesponde sa nasunog na cell site, tinambangan

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2021 09:20 PM

Sugatan ang isang babaeng abogado matapos tamaan ng mga bala ang minamanehong sasakyan sa Barangay Homapon, Legazpi City bandang alas-10 Linggo ng umaga.

Ayon kay Kapitan Benhur Ariola ng Homapon, nadamay ang sasakyan ng abogada matapos tambangan ang kasalubong nitong police mobile.

Pauwi na daw sa kanilang istasyon ang mga pulis ng mga oras na yun matapos ang isinagawang imbestigasyon sa nasunog na cell site sa kanilang barangay pasado ala-2 ng madaling araw Linggo.

Pero bago ang pananambang, isang malakas na pagsabog muna ang nangyari sa tabi ng kalsada kung saan tinamaan ng shrapnel ang bumabiyaheng tricycle sakay ang isang pamilya. 

Nagtamo ng minor injuries ang tatlong sakay ng tricycle.

"Galing dito sa barangay hall yung mga pulis dahil nag-imbestiga nga sa nasunog ditong cell site. Tapos pag-alis nila, siguro mga 2 to 3 minutes nakarinig na lang kami ng malakas na pagsabog at putukan na," ani Ariola.

Wala pang ipinapalabas na opisyal na pahayag kaugnay nito ang pulisya. 

- ulat ni Karren Canon

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.