PatrolPH

Dagdag na Sinovac vaccines ipapamahagi sa 'high-risk areas'

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2021 04:57 PM | Updated as of Jun 06 2021 05:51 PM

Dagdag na Sinovac vaccines ipapamahagi sa 'high-risk areas' 1
Dumating Hunyo 6, 2021 ang 1 milyong dose ng COVID-19 vaccines sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA — Dumating ngayong Linggo ang dagdag na 1 milyong dose ng COVID-19 vaccine ng Chinese company na Sinovac.

Pasado alas-7:30 ng umaga lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ang eroplanong lulan ang mga bakuna mula Beijing, China.

Ito ang unang batch ng Sinovac vaccines na dumating sa Pilipinas matapos makakuha ang Sinovac ng emergency use approval mula sa World Health Organization.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, ipapamahagi ang mga bakuna sa high-risk areas o lugar na may mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

"Paglalagyan niyan 'yong NCR (National Capital Region)... areas kagaya ng Zamboanga, Cagayan de Oro, Butuan at Region 6 (Western Visayas) na tumaas ang mga kaso," ani Galvez.

Sa ngayon, 4 na milyon na ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas habang halos 1.3 milyon naman ang nakakumpleto ng dalawang dose.

Watch more on iWantTFC

Second dose

Samantala, ikinabahala naman ni Vice President Leni Robredo ang ulat na 9 porsiyento o 113,000 na tao ang hindi natanggap ang kanilang pangalawang dose ng bakuna.

"Whether isang milyon 'yon o 113,000, ang laki. Naghahabol tayo ng numbers, naghahabol tayo ng supply na hindi ma-expire, so dapat may sistema talaga para masiguro na babalik 'yong mga tao," sabi ni Robredo.

Nagpaalala naman ang mga eksperto sa kahalagahan ng second dose para magkaroon ng mataas na antas ng proteksiyon laban sa malalang COVID-19.

"Maraming pag-aaral ang nagsasabi na kapag unang dose lang at nagliwaliw ka na, napakataas ng tsansa ng severe disease. Kailangan ang dalawang dose ng bakuna," sabi ni Philippine Red Cross consultant Dr. Michael Tee.

"Hindi sapat ang isang dose para mabigay ang mataas na level ng antibodies," sabi naman ni Dr. Paulyn Ubial, head ng Philippine Red Cross molecular laboratories.

Ayon naman kay Dr. Leo Olarte, dating pangulo ng Philippine Medical Association, karaniwang mararamdaman ang proteksiyon sa loob ng 2 linggo matapos maturukan ng second dose.

"First jab gives priming effect. Mabibigyan ka ng antibodies na maliit lang ang volume. Second jab maximum na stimulation to immune system," paliwanag niya.

Pero kahit mabakunahan na, maaari pa ring mahawahan o makapanghawa ng sakit kaya mahalaga pa rin ang pagsunod sa health protcols, sabi ni Olarte.

Nasa 10 milyong dose ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa ngayong Hunyo.

Nakakasa naman sa Lunes ang ceremonial vaccination para sa A4 priority group o mga manggagawa.

— Ulat nina Bianca Dava, Jasmin Romero, at Jekki Pasucal, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.