Ebidensiyang nakuha umano sa pagsalakay ng mga awtoridad sa magkahiwalay na drug den sa Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela. ABS-CBN News
MAYNILA — Sampung tao ang naaresto matapos salakayin ang 2 umanong drug den sa Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City, sabi nitong Sabado ng mga awtoridad.
Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Valenzuela police ang 2 magkalapit na bahay sa naturang barangay, na ginagawa umanong drug den ng mga suspek.
Naaktuhan pa umano sa paggamit ng ilegal na droga ang mga suspek, na isinailalim sa 2 linggong surveillance bago ikasa ang operasyon, sabi ng PDEA agent na si Joel Villorente.
Nakuha sa mga suspek ang 27 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P180,000.
Nagbabala naman si Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr. na agad huhulihin at papanagutin nila sa batas ang mga nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga.
Tiniyak din ni Haveria ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa PDEA para sa mga isasagawang mga anti-drug operation.
-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, metro, metro crime, arrest, drug war, drug den, Valenzuela, Philippine Drug Enforcement Agency