Simbahang Katolika, nagbabala laban sa anti-terrorism bill

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 11:16 PM

MAYNILA—Nagbabala ang Simbahang Katolika nitong Sabado na maaaring mas mapaigting pa ang paniniil sa bansa kapag naging batas na ang kontrobersyal na anti-terrorism bill. 

Ayon sa social action arm ng simbahan na Caritas Philippines, maaaring masiil ng panukala ang kalayaan sa pamamahayag at mauwi sa harassment ng mga magpapahayag ng pagtutol. 

Ayon kay Caritas national director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, di dapat payagan ang pagsasabatas ng panukalang di umano makatao at naaayon sa batas.

Giit ng obispo, nilalabag ng anti-terror bill ang karapatan ng mga Pilipino, at isang uri ito ng pangungutya sa Konstitusyon. 

Sa pahayag naman ng Philippine Ecumenical Peace Platform, mapapalala umano ng panukala ang umano’y “red tagging” at paglabag sa karapatang-pantao sa bansa. 

Samantala, inalmahan nina House Deputy Minority leader Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Bayan Muna chairman Neri Colmenares ang pagsingit ng Senado sa right to travel restriction sa House Bill 6875. 

Labag umano ito sa Konstitusyon, lalo na’t hindi papayagang lumabas ng munisipalidad o lungsod ang isang may kinahaharap na kaso nakapaglagak man ito ng piyansa. 

Miyerkoles ng aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang bersyon ng Senado ng kontrobersyal na panukala. — Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.