MAYNILA - Higit 2 buwan nang no-work, no-pay ang flight attendant na si "Jessica."
Mahirap para sa kaniya ang bawat araw na walang kasiguraduhan lalo't nauubos na ang kaniyang ipon at malabo pang bumalik sa normal na operasyon ang kanilang kompanya.
"I feel like useless. Parang minsan hindi mo alam 'yung cause ng pag-gising mo sa umaga, ang bigat-bigat ng pakiramdam mo, wala ka namang ginagawa,” ani Jessica.
Isa ang airline industry sa mga apektado ng COVID-19 outbreak, lalo na’t karamihan ng biyahe, partikular na ang mga leisure travel, ay natigil muna dahil sa pandemya.
Nitong Biyernes, inanunsiyo ng AirAsia Philippines na aalisin na nila sa trabaho ang 12 porsiyento ng kanilang mga empleyado, o katumbas ng mahigit 200 manggagawa dahil sa pandemya.
Sinabi na rin ng hotel and motel chain na Victoria Court na magtatanggal na ng mga empleyado dahil nasa "survival mode" na ito.
Ayon sa Department of Labor and Employment, posibleng abutin nang 6 buwan hanggang 2 taon bago makabangon ang mga naluging negosyo.
“Maaaring bumangon tayo pero maaaring hindi po sa loob nang anim na buwan, maaring isang taon, dalawang taon pa po ang ating magiging hamon pagdating po dito,” ani Labor Assistant Secretary Dominique Tutay.
Ayon sa PSA, sumipa sa 17.7 porsiyento ang unemployment rate sa bansa noong Abril, ang pinakamataas sa kasaysayan.
Ibig sabihin, nasa 7.3 milyong mga Pilipino ang walang trabaho ngayon.
Sa ngayon, dumidiskarte muna si Jessica sa pagbebenta ng cake para may pumasok na pera.
Gayunman, malayo ito sa dati niyang sinusuweldo.
MGA NASA ABROAD APEKTADO RIN
Apektado rin ang mga Pinoy na nasa entertainment industry, partikular na ang mga nagtatrabaho abroad.
Si Derrick Gernale na performer sa Dubai, natigil din ang pinagkakakitaan habang nakatengga sa bahay sa Cavite.
“nakaka-bother lang kasi hindi rin certain kailan kami magkakaoon uli ng work. Kasi dito, walang gigs, walang event. Nahihirapan akong maghanap ng pagkakaabalahan. 'Yun lang din kasi alam kong source of income,” ani Gernale.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), malaki rin ang epekto ng COVID-19 pandemic sa trabaho ng mga Pinoy sa ibang bansa lalo na sa cruise ship industry.
"Iyong mga nawalan ng trabaho, mukhang talagang natamaan ang cruise ship industry, kung saan mga 25,000 na ang nakakauwi sa mga kababayan natin. Sila talaga ay mawawalan ng trabaho pansamantala,” ani OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.
Tiniyak naman ng mga cruise ship employer na iha-hire uli ang mga OFW sa pagbabalik-operasyon nila.
— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, TV Patrol Top, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, lockdown, airline industry workers, airlines, work, workers, travel, tourism industry