Hulugang bayad sa Meralco para sa konsumo noong ECQ, ikinasa

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 02:51 PM | Updated as of Jun 06 2020 03:15 PM

MAYNILA - Ikinasa na ng Meralco ang hulugang pagbabayad sa konsumo ng kuryente ng mga customers noong mga buwan na pumailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at iba pang lugar. 

Ito'y matapos ikagulat ng marami ang biglaang pagtaas ng electricity bill kasunod ng mga buwang hindi nakapag-meter reading ang Meralco dahil sa lockdown. 

Sa ilalim ng installment plan, maaaring hulugan ang electricity bill nang 6 na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre, o apat na buwan, mula Hulyo hanggang Oktubre, depende sa konsumo.

Nasa 2.8 milyong customers pa ng MERALCO ang hindi nababasahan ng bill pero ayon sa tagapagsalita na si Joe Zaldarriaga, tatapusin nila ito ngayong Hunyo at asahan na ng mga customer na makatatanggap sila ng bill na mas mataas kumpara sa kinagisnan nilang konsumo.

Paliwanag ni Zaldarriaga, tumaas ang konsumo ng kuryente sa panahon ng ECQ dahil maagang pumasok ang tag-init, at mas lumakas ang paggamit ng mga tao ng kanilang appliances lalo na sa mga naka-work-from-home.

Makikita sa likod ng matatanggap na bill ang computation at ang installment options para sa mga customer. Automatic na puwedeng magbayad nang hulugan ang mga customer.

“Sa mga gumagamit ng 200kwh or lower kada buwan ay binigyan ng option to pay ng 6 months. Anim na gives ika nga po. For the consumers na more than 200kwh kada buwan, 4 na buwan naman ang installment period natin,” paliwanag ni Zaldarriaga.

Tiniyak naman ng MERALCO na hindi nila basta puputulan ng kuryente ang mga hindi pa rin makakabayad pagkatapos ng mga buwan na nabanggit.

“Disconnection is not really part of what we are thinking now. We are just thinking of the best possible solution. Installment plan is a way of easing the burden of the customers, we will be very considerate.
We need to keep the lights on especially that the businesses have started.”

Para naman sa mga customer na naka-enroll sa auto-debit payment, maaaring magtungo sa mga business center para ipaalam kung nais nilang magbayad nang hulugan para ang MERALCO na ang makipag-usap sa mga bangko. 


- ulat ni April Rafales, ABS-CBN News