PatrolPH

Philhealth dumepensa sa 'ghost dialysis,' whistleblowers nanindigan

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 08:37 PM

Watch more on iWantTFC

Iginiit ng pamunuan ng PhilHealth na noong isang taon pa nila inaksyunan ang reklamo ukol sa dialysis center na umano ay kumukubra mula sa government health insurance firm kahit patay na ang mga pasyente.

Ayon kay PhilHealth acting President at Chief Executive Officer Roy Ferrer, may mga naisampa nang kaso laban sa WellMed Dialysis and Laboratory Center sa Quezon City, maging sa 4 doktor ng pasilidad.

Suspendido na rin ang pagbabayad ng claims ng WellMed noon pang Pebrero at tinatapos na rin ang mga reklamong kriminal na isasampa sa Department of Justice (DOJ).

"The corporation filed 28 counts of administrative cases for claims for non-admitted treated patients, misrepresentations by furnishing false or incorrect information, and breach of warranties of accreditation/ performance commitment against the mentioned dialysis center," ani Ferrer.

Iniulat ngayong Huwebes ng pahayagang Philippine Daily Inquirer ang patuloy umanong pangungubra ng WellMed sa PhilHealth.

Ayon sa dating empleyado ng pasilidad na si Edwin Roberto, naghahain ng claim ang WellMed sa PhilHealth kahit patay na ang ginagamot na pasyente.

Watch more on iWantTFC

Bawat PhilHealth member kasi ay puwedeng magkaroon ng 90 na dialysis session kada taon na may halagang P2,600 kada treatment.

"Ang proseso po niyan, magfa-file lang po siya nang magfa-file sa PhilHealth... para maka-claim ng benefit galing sa PhilHealth nang hindi nalalaman ng family ng pasyente," ani Roberto.

"More or less 10 patients na patay na pasyente na na-file-an po namin ng additional benefit," dagdag niya.

Marso 2016 nang simulan ng WellMed ang mga kuwestiyonableng pag-claim sa utos ng isa sa mga may-ari ng pasilidad, ayon kay Roberto.

Nag-resign si Roberto sa WellMed noong Mayo 2018 dahil umano sa personal na mga dahilan.

Nakonsensiya raw si Roberto at ang isa pang kasama na si PhilHealth officer Liezel Santos kaya iniulat nila ang anomalya sa Philhealth noong Hulyo 2018.

Sunod-sunod ang ginawang follow-up nina Roberto at Santos pero tuloy-tuloy pa rin umano ang pagbabayad ng PhilHealth sa WellMed.

INUPUAN LANG

Ayon sa abogadong si Harry Roque, na legal counsel ni Roberto, inupuan ng PhilHealth ang anomalya.

"Dito po sa Pilipinas, ang patay hindi lang nakaboboto, ang patay, nagda-dialysis din," ani Roque.

"Mayroon na pong [Commission on Audit] report na nagsasabi na ang kasalanan talaga ng PhilHealth, wala po silang checks and balance. Sa katunayan, bayad nang bayad lang ang PhilHealth," ani Roque.

Ayon pa kay Roque, hindi ito isolated o nag-iisang kaso. Ilang beses na raw lumabas sa mga congressional hearing ang mga ganoong klaseng katiwalian sa sistema ng PhilHealth.

"Napakaraming ganito po at hindi lang po ito dialysis. Nandiyan pa rin ang katarata, pneumonia, kahit ano'ng package mayroon ang PhilHealth, mayroong anomalya," ani Roque.

"I'm accusing Ferrer of sheer and gross incompetence. Mayroon na pong COA report na nagsabing bilyon-bilyon na ang nawala sa PhilHealth dahil sa kawalan ng institutional mechanisms para bantayan ang pondo ng taumbayan, hanggang ngayon po walang repormang ginagawa," dagdag niya.

Pero ayon sa mga opisyal ng PhilHealth, nakapulong na ng ilan sa kanila si Roque.

"Secretary Roque, we met several times and I respect you. Mali po 'yong sinasabi n'yong wala kaming ginawa," ani PhilHealth board member Roberto Salvador Jr.

Sa pahayag naman ng mga abogado ng WellMed, mariin nilang itinanggi ang mga paratang ni Roberto.

Nanindigan sila na hindi gagawin ng kanilang kliyente ang mga ibinibintang ni Roberto.

Handa rin ang WellMed na makipagtulungan sa imbestigasyon ng PhilHealth para malaman ang mga may kagagawan ng anomalya.

Maghahain din daw ang WellMed ng kasong kriminal laban sa mga dati nilang empleyado na sina Roberto at Santos.

INIIMBESTIGAHAN

May 2,000 ospital, centers at mga doktor ang iniimbestigahan ng PhilHealth dahil sa posibleng false claims sa iba-ibang sakit at medical procedures.

Sa ilalim daw ng administrasyong Duterte, gustong puksain ng PhilHealth ang sinasabing ilang dekadang "mafia" sa loob ng ahensiya, na kinabibilangan umano ng ilang middle managers at regional officials.

May mga kaso na raw ang mga ito sa DOJ, Ombudsman, PhilHealth, at iba pang adjudicatory bodies.

"They are now under suspension and maraming kaso," ani Ferrer.

Hinigpitan na rin ng PhilHealth ang validation ng claims sa pamamagitan ng pagpapatupad ng bagong claim form at machine learning and detection analytics system.

Naghahanap din ang PhilHealth ng halos 200 imbestigador, doktor, at mga abogado na tututok sa pagberipika ng claims at kampanya kontra false claims.

Nanawagan din ang PhilHealth sa lahat na isumbong sa kanila ang ano mang katiwalian at false claims nang mapunta sa mga tunay na nangangailangan ang pondo ng ahensiya.

--Ulat nina Jeff Canoy at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.