Mga magulang binalaan kontra nakalalasong school supplies

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 04:11 PM

MAYNILA — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga magulang laban sa pagbili ng nakalalasong school supplies na nagkalat sa merkado. 

Sa pahayag na inilabas ngayong Huwebes, pinayuhan ni Health Secretary Francisco Duque ang mga magulang na tingnang maigi ang mga label ng school supplies para malaman kung angkop na gamitin ng mga bata at rehistrado ang mga produkto sa Food and Drug Administration (FDA).

"We appeal to parents be cautious when buying school supplies for their children," sabi ni Duque.

"Read carefully the labels to know if it is appropriate for your children and registered with our FDA for safety," ani Duque.

Maaari kasing isubo ng mga bata ang mga delikadong materyales, ayon sa DOH.

"Children, therefore, need adult supervision especially when they are engaged in activities that will expose them to unnecessary hazards, such as choking from removable parts or ingestion of glue or paint," sabi sa pahayag.

Nakitaan ng FDA noong nakaraang taon ang ilang school supply — kasama ang 12-in-1 pencil, crayons, at fabric paint pens — na naglalaman ng mga delikadong kemikal gaya ng lead, cadmium at mercury, ayon sa DOH.

Ilan sa mga epekto ng pagkakalantad sa lead ay pinsala sa nervous system, problema sa mental at physical development, attention at learning deficit, ayon sa ulat ng US Consumer Product Safety Commission (CPSC) na nabanggit sa pahayag.

Ang paglanghap naman ng cadmium ay maaaring magdulot ng mga sakit sa baga at bato, ayon sa CPSC.

Maaari namang magdulot ng mga seryosong problema sa kalusugan at development ng fetus sa mga buntis ang pagkakalantad sa mercury, ayon sa World Health Organization (WHO).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.