Babae patay nang barilin ng kinakasama sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 02:35 PM

Napatay ang isang babae mula T'Boli, South Cotabato matapos umanong barilin ng kaniyang kinakasama na isusumbong sana niya sa mga awtoridad dahil sa pangmomolestiya sa manugang niya.

Papunta sa police station sa Barangay Datal Bob ang biktimang si alyas "Gemma" pasado alas-9 ng umaga noong Martes para iulat ang umano ay pangmomolestiya ng suspek sa menor de edad nitong manugang, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Naabutan si "Gemma" ng kaniyang kinakasama at nagkaroon sila ng pagtatalo bago ito bumunot ng kalibre .45 na baril na ginamit laban sa biktima, ayon sa pulisya.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang nakatakas na suspek na sinampahan ng kasong murder.

Tatlong anak ang naulila ni "Gemma" mula sa kaniyang naunang relasyon.

--Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.