3 dawit sa serye ng nakawan, timbog sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 06:34 PM | Updated as of Jun 06 2019 09:53 PM

Arestado ang tatlong umano ay miyembro ng akyat-bahay gang sa Cavite na idinadawit sa serye ng pagnanakaw sa mga bahay at tindahan sa lugar.

Sa kuha ng CCTV noong Martes ng madaling araw, kita ang magkasunod na pagpasok ng 2 lalaki sa karinderya sa Barangay Kaingin, Bacoor City.

Dahil madilim sa loob, gumamit pa ng cellphone ang grupo sa paghahalughog sa loob ng kainan.

Watch more in iWantTFC

Isang bag ang kanilang nakita at binuksan pero tila wala silang nakuha, hanggang sa makakita sila ng laptop na agad nilang tinangay.

Pero bago pa nila pasukin ang karinderya, nilooban din ng dalawa ang kalapit na tindahan ng gasul pero tanging mga butane gas lang ang nakuha.

Noong Biyernes naman, pinasok ng mga suspek ang grocery store sa Barangay Panapaan 3. Mga cellphone at mga sigarilyo ang tinangay ng mga suspek na aabot sa halos P100,000 ang halaga.

Sa follow-up operation, naaresto ng mga pulis at mga barangay tanod ang dalawa.

Nabawi sa kanila ang crowbar na gamit pansira sa pinto.

Ayon sa pulisya, nakilala ang mga suspek dahil sa kulay ng mga buhok nito.

"Ang buhok nila may kulay kaya madali natin na-identify," ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police.

Arestado rin ang ikatlong suspek nang siya ay ilaglag ng dalawang unang naaresto.

Nabawi sa kaniya ang ninakaw na laptop at mga ATM card.

Sinampahan na ang 3 naaresto at 2 pang tinutugis na salarin ng kasong robbery.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.