Higit 650 alagang hayop, nasawi sa flash flood sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 04:21 AM

Mula sa Municipal Agriculture Office ng Sultan Mastura

MAGUINDANAO—Daan-daang alagang hayop ang nasawi sa flash flood sa bayan ng Sultan Mastura Sabado.

Sa tala ng Municipal Agriculture Office ng Sultan Mastura, umabot ang bilang ng mga namatay na hayop sa 673 matapos umapaw ang Simuay River dahil sa matinding buhos ng ulan.

Kabilang dito ang 117 baka at kalabaw; 134 na kambing at tupa; at 422 manok at itik.

Mayroong mga nakita sa gilid ng daan at ang iba ay natagpuan na lang nang humupa ang baha.

Ayon kay Ibrahim Alimpang, municipal agriculturist ng Sultan Mastura, malakas umano ang agos ng tubig-baha.

"Kaya maraming namatay na baka kasi iba, mahina sa malamig 'pag nag-submerge sila. Di sila tatagal kasi maninigas, mag-weak, halos di na makatayo," aniya.

"Nangyari ang baha hatinggabi . . . Nag-subside 4 ng umaga. Di na kaya sagipin kasi pati mga bahay nila affected, di expected ng mga tao na mangyari."

Maliban sa mga namatay na hayop, nasa 35 bahay ang nasira dahil sa baha. Karamihan sa mga ito ay malapit sa ilog.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Sultan Mastura, nasa 5 barangay rin ang apektado ng baha. Kabilang dito ang Barangay Solon, Tariken, Kirkir, Namuken at Simuay Seashore.

Nagpapatuloy naman ngayon ang assessment ukol sa kabuuang halaga ng pinsala ng flash flood.

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development, higit 1,000 pamilya o 6,000 indibidwal ang apektado sa baha.

Ang pagragasa ng baha ay bunsod ng malakas na ulan dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.