Bigayan ng prangkisa, inangalan; tigil-pasada, nakaumang

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 09:33 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagbanta nitong Miyerkoles ng malawakang tigil-pasada ang tatlo sa malalaking jeepney transport group dahil sa umano'y hindi patas na pagbibigay ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Idinadaing ng ilang transport group ang pagpabor ng LTFRB sa Pasang Masda matapos matanggap ng grupo ang karamihan ng prangkisa para sa ruta na daraanan ng modernized jeepneys.

"Ngayon ang tanong natin sa LTFRB, saan ngayon ililipat 'yong sobra-sobrang mga sasakyan eh samantalang ngayon pa lamang nilalagyan na nila," ani Efren de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organizations (Acto).

"Ilalaban na namin dito 'yung aming karapatan na ating kabuhayan," dagdag ni de Luna.

May mga hinaing din ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (Fejodap) at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap). 

"Hindi isang araw, hindi dalawang araw...habambuhay na tayo, iwanan na lang sa kalye ang mga sasakyan," ani Fejodap president Zeny Maranan.

"Kung puwede naman sabihin niyo na ang totoo na ayaw niyo na sa amin [at] bayaran niyo na lang ang bawat jeep namin na mga luma ng P200,000," dagdag ni Maranan.

Pinagbibitiw ng mga mga grupo si LTFRB chairman Martin Delgra dahil sa "pansariling" pamamalakad nito sa ahensiya.

Depensa naman ni Delgra, wala aniyang pinaboran ang LTFRB dahil sumusunod lamang umano ang ahensiya sa nakasaad sa batas.

"Hindi unconstitutional kasi aplikante ito. Kung ayaw ng aplikante [na] tumuloy dito sa pag-aaply ng prangkisa, ibibigay namin sa iba," ani Delgra.

Banta ng mga transport group na magkakaroon ng malawakang tigil-pasada bago ang nakatakdang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi aaksiyonan ng LTFRB ang kanilang hinaing.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.