Pulis patay sa pamamaril sa Pangasinan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 09:05 PM

PANGASINAN - Patay ang isang pulis habang sugatan ang isa pa matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa Barangay Agdao, San Carlos City sa Pangasinan Martes ng umaga.

Base sa imbestigasyon, nakasakay sa motor si PO2 Jimbo Agtarap, miyembro ng drug enforcement unit ng San Carlos City Police, nang banggain ito ng isang puting van.

Bumaba ang mga salarin at pinagbabaril ang biktima.

Napadaan si PO1 Rachael Cancino sa lugar at nakita ang insidente. Sinubukan niyang habulin ang mga namaril kay Agtarap ngunit maging siya ay pinaputukan ng mga ito.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Agtarap habang kasalukuyan pang nagpapagaling si Cancino.

Sa dragnet operation, nakitang inabandona ng mga salarin ang kanilang sasakyan sa Barangay Dalanguiring sa bayan ng Urbiztondo.

Ayon kay Police Superintendent Nestor Cusi, hepe ng pulisya ng San Carlos City, may iniimbestigahang kaso na may kinalaman sa droga si Agtarap.

"Bago mangyari yoon mayron kasi siyang sinasabi na, 'Sir mayroon akong bago.' Most probably ito 'yun, tine-trace niya pero sinabi niya na within dito sa city," aniya.

Bumuo na ng isang special investigating task group para imbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.