'Hukay-taguan' ng mga terorista, nadiskubre sa safe zone

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 06:54 PM | Updated as of Jun 07 2017 04:08 AM

Muling nabulabog ang isang safe zone sa Marawi City kaninang Martes ng umaga nang biglang may maiulat na may nakalusot na mga sniper sa lugar. 

Nadiskubre ng militar ang mga foxhole o mga hukay sa lupa sa loob ng mga bahay na taguan umano ng mga grupong Maute. 

Higit isang linggo nang itinuring na ligtas ang isang kalsada sa Marawi nang biglang nagdatingan ang mga armored personnel carrier at tangke. 

Nang makakuha ng ulat na may mga sumisingit na sniper sa lugar, agad isinara ng militar ang kalsada. Pumuwesto ang mga tropa at pinagbawalan ang sinuman na lumapit. 

Muling naging danger zone ang kalsadang nadaraanan na noon ng mga rescue unit at media para makarating sa Marawi. 

Isa-isang nagtakbuhan papasok ang mga tropa sa mga eskinita at muling nagsagawa ng clearing operation sa mga bahay-bahay sa area. 

"Indication ang mga gunfire na may mga nakakasingit dito sa mga safe zone. We just have to clear the area again," ayon kay Lieutenant Colonel Christopher Tampos ng 1st Infantry Division. 

Pinasok ng mga militar ang isang eskuwelahan at umakyat para pumosisyon ang mga sundalo sa mataas na lugar para mas makita ang paligid. 

Walang naabutang mga sniper pero nadiskubre ang mga bagong hukay na foxhole sa ilang mga bahay. 

Malalim ang hukay at marami ang maaaring magtago sa loob. Sa ganitong paraan umano nakatatago ang mga miyembro ng Maute. 

Air strike sa kuta ng Marawi, isinagawa ng militar

Pinulbo naman ng attack helicopters ng Armed Forces of the Philippines ang kuta ng mga teroristang Maute sa Marawi noong Lunes, kita sa video ni Val Cuenca ng ABS-CBN News. 

Kinukumpirma naman ngayon ng militar kung kasama nga sa mga napatay ng air strike si Omar Maute, isa sa dalawang magkapatid na Maute na namumuno sa lokal na teroristang grupo. 

"Iyon si Omar, mayroon tayong report na namatay na doon sa isang pag-strike natin, pero kailangan pa nating ma-validate ito," ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Eduardo Año sa isang panayam sa DZMM. 

Maaari ring hawak pa rin ng mga militante si Fr. Chito Suganob, ang paring dinakip ng grupo kasama ang iba pang taga-simbahan ng St. Mary's Cathedral. 

"Mayroon tayong special tasking na ibinigay dito sa ating mga special elite units para kung magkaroon tayo ng anumang indication ng presence ni Fr. Chito, we will make immediate rescue operation," ani Año.

Mahigit 200 terorista pa mula sa grupong Maute at iba pa ang nasa loob ng Marawi nang isagawa ang operasyon, ayon kay Major General Carlito Galvez, pinuno ng military command sa Western Mindanao.

Mga lagusan, armas, suplay ng pagkain, nasa P79 milyon, nadiskubre sa clearing operations

Nakapaghanda umano ang mga militante sa naturang bakbakan. Natagpuan ang mga armas at pagkain sa mga masjid, at mga ginawang lagusan at silong upang makapaghanda sa matagalang bakbakan. 

Sa clearing operation, natagpuan ang mga kalibre .50 at kalibre .30, malalaking baril at mga bala, aniya sa isang news conference. 

Nakarekober din ng halos P79 milyon pera at tseke sa parehong clearing operation sa kuta sa Marawi. 

Natagpuan ng Philippine Marines ang P52.2 milyon sa isang bahay kalapit ng lugar kung nasaan ang mga machine gun ng teroristang grupo. Nasa P27 milyon halagang naka-tseke ang natagpuan din sa parehong bahay. 

Iniimbestigahan na ngayon ang pinanggalingan ng mga perang ito, at kung maaari bang may kaugnayan ito sa mga teroristang grupo. 

Barangay sa labas ng Marawi, tinamaan ng airstrike

Tinamaan ng air strike ang isang barangay sa labas ng Marawi City. Lumilikas na rin ang mga residente roon, ayon sa provincial crisis management committee.

Bandang alas-10 ng gabi ng Linggo, nakatanggap ng ulat ang Provincial Crisis Management Committee na may isang barangay sa labas ng Marawi City ang tinamaan ng airstrike.

Nasapul ang gymnasium sa barangay Pugaan sa bayan ng Ditsaan Ramain. 

Dalawang malaking butas ang makikita matapos ang malakas na pagsabog pagdaan ng isang military aircraft. 

Wala namang sibilyang namatay o nasugatan. 

"It happened when there was a movement in the air. I'm raising it as a concern, a valid concern. Our focus here si to secure residents, people," ayon kay Zia Alonto Adiong, spokesman ng Provincial Crisis Management Committee. 

Iimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines kung target ba talagang pasabugan ang lugar. 

"We will investigate the incident. At this moment, I have no official report yet," ano Lt. Gen. Carlito Galvez ng Western Mindanao Command. 

-- May ulat nina Jeff Canoy at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.