Dahil sa mangga: Lalaki, sinaksak ng pinsan

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 08:40 PM

Nakakulong sa PNP-Alicia si Samson Viloria matapos niyang saksakin ang pinsan na si Mark Viloria

ALICIA, Isabela – Sugatan ang isang lalaki matapos saksakin ng kaniyang pinsan sa dibdib dahil sa girian sa mangga Lunes ng hapon sa Barangay Bagnos dito sa bayan na ito.

Ayon kay Senior Insp. Darwin John Urani, hepe ng pulisya sa Alicia, nagkagirian umano ang magpinsang sina Mark Viloria at Samson Viloria dahil lang sa hindi maayos na paghingi ng mangga ni Mark.

“Noong nakainom na si Mark Viloria, pinuntahan niya iyong pinsan niya si Samson Viloria at humingi siya ng mangga. Dahil nakainom narin pala si Samson ay nagkainitan ang dalawa,” ani Urani.

Depensa naman ng suspek na si Samson, hindi raw niya sinadya ang pangyayari.

“Iyong humihingi siya ng mangga ang sabi niya kasi sa akin ipakita niya raw iyong galing niya sa karate, hindi ko siya pinatulan, pero nung nasaktan na ako iyon nagawa ko na,” ani Samson.

Sa ngayon ay nagpapagaling pa sa ospital ang biktima samantalang ang suspek ay nakakulong naman sa istasyon ng pulisya sa Alicia. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.