Ano ang parusa sa mga nagpapakalat ng takot sa publiko?

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 06:48 PM

Mayroong batas na nagpapataw ng kaukulang parusa para sa mga taong nagpapalaganap ng takot sa isipan ng taumbayan. Ito ang Human Security Act.

Layon ng batas na ito na kontrahin ang terorismo o ang pagpapakalat ng takot, pangamba, at sindak sa publiko. 

Sa ilalim ng batas na ito, nakalista ang mga krimen na maituturing na 'acts of terrorism'. 

Kasama rito ang rebelyon, invasion, murder, unlawful possession of firearms, kidnapping, hijacking, at iba pa. 

Sakaling gawin ng isang tao ang isa sa mga krimeng maituturing na 'acts of terrorism', maaari rin siyang litisin para sa pagpapakalat ng terorismo. 

Maaaring mas matindi pa ang maging parusa kapag napatunayang isang 'act of terrorism' ang isinagawang krimen, ayon kay Atty. Harry Roque sa panayam sa kanya sa programang 'Usapang de Campanilla' ng DZMM.

Isang maaaring halimbawa nito ay ang kasalukuyang kaguluhan sa Marawi na idinudulot ng mga teroristang grupo, ani Atty. Roque. 

Bukod sa rebelyon, maaaring masakdal ang responsable sa gulo sa Marawi para sa pagpapakalat ng takot sa publiko o terorismo.

Ang parusa umano rito ay 40 taong pagkakakulong na walang palugit para sa mabuting pag-uugali.

Maaaring parehong masakdal sa dalawang kaso ng rebelyon at terorismo. Aniya, nasa Revised Penal Code ang rebelyon, samantalang nasa special laws naman ang terorismo.

Puwede umanong magkaroon ang tao ng higit sa isang kaso. 

Ibinahagi rin ni Atty. Roque na isang halimbawa ang nangyari sa Resorts World Manila. Kung nabuhay umano ang gunman, napakaraming kaso ang maaaring isampa sa kanya, tulad ng complex crime of robbery and homicide, arson, at possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.