Riot police remain in formation on Commonwealth Avenue in anticipation of protests from multi-sectoral groups during former president Rodrigo Duterte’s SONA on July 27, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/file
MAYNILA -- Puspusan na ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP), mahigit isang buwan bago ang nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP Chief Benjamin Acorda Jr., ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang magiging commander on the ground o mangunguna sa paglatag ng security plans at susuportahan na lamang ito ng kapulisan.
"Actually 'yung ating NCRPO director, siya ang ating magiging commander on the ground but definitely we will be supportive of this kasi it's always in NCRPO 'yung activity, it's a nationwide concern," ani Acorda.
Wala namang binanggit ang opisyal kung ilang PNP personnel ang idedeploy.
"We will come up with a minimum requirement muna. Makikita naman namin kung ano yung kailangang adjustment but as much as possible, ayaw natin 'yung tinatawag na overkill... And we can make it para maipakita sa publiko na 'yung ating kalsada—when it comes to this kind of activity—ay hindi maapektuhan ang traffic natin. Tuloy-tuloy kumbaga business as usual except for the public to listen to the message of the President," dagdag ni Acorda.
Sinabi naman ng hepe na pagbabasehan nila ang permit to rally na aaprubahan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City kung hanggang saan nila papayagang mag rally ang iba't-ibang grupo.
Magdedeploy din ng human rights personnel ang PNP para matiyak ang karapatan ng mga magpo-protesta.
"With regards to those areas kung saan sila pwede, may mga issuances ang mga mayors [at] kung may mga mayor's permit we will recognize that. There are some designated areas na sinusunod natin diyan," aniya.
"We will ensure na balanced talaga diyan. Of course, [ang] firearm, no-no talaga 'yan in big gatherings like that and our human rights personnel will be there to remind and monitor 'yung mga kaganapan para walang malabag na karapatan [ang] mga kapulisan — gano'n din 'yung paglabag ng mga nage-express din ng kanilang rights," ani B/Gen Limuel Obon, direktor ng Human Rights Affairs Office ng PNP.
Maaga namang umapela si Acorda sa mga magpoprotesta na respetuhin rin ang mga pulis pati na ang kanilang uniporme at huwag itong batuhin ng pintura.
Tuloy-tuloy naman ang threat assessment ng PNP para sa paparating na kaganapan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.