PatrolPH

PNP, magsasagawa ng malawakang inspeksyon sa mga custodial facility sa bansa

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2023 03:36 PM

MAYNILA -- Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na magsagawa ng malawakang inspeksyon sa mga custodial facility sa bansa.

Ang utos ni Acorda ay kasunod ng pagkakaaresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group sa 7 pulis sa Angeles City Pampanga noong Biyernes, June 2 dahil sa umano'y pagkakasangkot nila sa ilegal na pag-aresto at pangingikil.

Sa press briefing, sinabi ni Acorda na magsagawa ng inspeksyon para tiyaking walang nalalabag sa mga karapatan ng mga nakakulong.

Giit ng opisyal, hindi nila kinukunsinte ang mga maling gawain ng mga pulis, kabilang na rito ang pagkulong sa mga tao na walang basehan at pangingikil ng pera.

"I want to catch them flat-footed... I made instructions already to our (Internal Affairs Service), nag-usap kami ng ating IG and gagawin ang nararapat but as to the details as how we are going to do it, I want them thinking kung ano gagawin namin," Acorda said.

Sa flag raisng ceremony sa Camp Crame kaninang umaga, binalaan ni Acorda ang mga pulis na hindi pa rin susmusunod sa batas.

"Kahit toleration lang, pag may negligence na ginawa ang ating personnel in a station I don't care gagawin natin ang nararapat, and let this be a warning sa mga ayaw pa sumunod. 

Sa imbestigasyon ng PNP-IMEG, inaresto ang chief of police, 2 imbestigador, at 4 na intelligence operatives ng Angeles City Police Station 2 sa kanila mismong himpilan.

Ito'y matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station at hinihingan pa umano ng pera ng mga tauhan nito. 

Sinabi ni IMEG-Director Police BGen.Warren de Leon, na nakitaan ng IMEG ng iregularidad ang 7 pulis dahil umano sa pagtatanim ng ebidensya. 

Lumalabas din sa kanilang imbestigasyon na 5 sa 7 naarestong pulis ay dati nang nagkaroon ng kaso sa Internal Affairs Service na "neglect of duty" at nakabalik lang umano ang mga ito sa pwesto matapos ang kanilang suspensyon.

Dismayado si Acorda sa mga naarestong pulis kaya inatasan n'ya ang mga City at Provincial Director na mag-inspeksyon at alamin kung may iregularidad ba sa kanilang nasasakupan sa pagkulong ng mga suspek.

Iginiit din n'ya na isama sa dapat tingnan sa credentials ng promotion kung may record ba na naging pabaya ang mga City at Provincial Directors sa kanilang mga custodial facility.

"Bakit ang tagal nahuli nyan? Hindi ba siya nag iinspect, hindi ba siya lumalabas, hindi nya na alam ang insidente?"

"So I want that to be clarified also, and let this be a reminder sa mga commander, pag provincial director ka, city director ka dapat alam mo kung ano ginagawa ng mga tauhan mo, lumabas ka sa opisina mo. Mag-inspect ka," he said. 

"Let this be a part of their credentials when they are being slated for higher positions. E kung pabaya, kung ganyan ang nangyari sa kanyang stations during his leadership, he doesn't deserve to be promoted," he said. 

Nasa dentention facility na ng IMEG ang 7 naarestong pulis at nahaharap sa kasong arbitrary detention at unlawful arrest.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.