52 pamilya inilikas dahil sa pagputok ng Bulkang Bulusan

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2022 10:04 PM

Inilikas ang 52 mga pamilya mula sa Barangay Puting Sapa, Juban, Sorsogon matapos ang pagputok ng Bulkan ng Bulusan Linggo ng umaga. 

Bagama’t wala namang abiso para sa forced evacuation ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Juban, Sorsogon, kinailangang ilikas ang mga bata at matatanda para na rin sa kanilang kalusugan.

"Halos ongoing pa ang pagdating ng tao dahil hindi talaga kaya yung amoy ng asupre doon sa kanilang lugar," ani Juban MDRRMO head Arvee Lodronio 

Isa si Frivaldo Deceña sa mga lumikas mula sa Barangay Puting Sapa. Kasama ang asawa ay binitbit nila ang limang anak. Ang kanilang bunso ay dalawang buwan pa lamang at kinailangan raw nilang lumikas dahil sa putik at alikabok.

Si Rita Gripon, 45 anyos, lumikas rin kasama ang kanyang 82 anyos na ama. Pinasok umano ng abo pati ang loob ng kanilang bahay.

"Ang dami ng abo, nag-anuhan kami doon hanggang sa bahay namin nagpasok sa bahay namin," aniya.

Hindi pa masabi sa ngayon kung hanggang kailan magtatagal ang mga evacuees sa Juban Evacuation Center.

Ayon kay Lodronio, magpapalinis muna ang barangay bago pabalikin ang mga residente. Pero malaking problema ng Barangay Puting Sapa ngayon ang mapagkukunan ng tubig-inumin. 

Ang bukal na siyang pinagkukunan ng tubig ng mga residente ay naapektuhan ng pagsabog ng Bulkan Bulusan.

"Number one na pangangailangan ang tubig, kaya hanggang ngayon nag-oovertime pa ang ating mga tram pati mga CSO kasi yung lugar na apektado ay yung kanilang primary source ng tubig ay spring, possible kasi na nahaluan ng abo mula sa bulkan," aniya.

Nagrekomenda na rin ang Juban MDRRMO ng suspension ng klase sa mga apektadong barangay.

- ulat ni Aileen Perol

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC