PatrolPH

VIRAL: Estudyante sinasagot ang module sa tabing-ilog para makasagap ng WiFi

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2021 07:50 PM

Watch more News on iWantTFC

Nag-viral sa social media ang isang estudyante sa Naga City matapos makuhanan ng retrato na nagsasagot ng module sa tabi ng ilog para makasagap ng WiFi sa isang hotel. 

Sa retrato, makikita ang 20 anyos na Grade 11 student na si Carla Radores na nakasalampak sa tabi ng ilog sa Sitio Sagrada Familia sa Barangay Peñafrancia. 

Naghahabol daw siya ng deadline sa pagsumite ng module noong hatinggabi ng Mayo 31 nang makuhanan ng retrato ng youth leader nila. 

“Kakatapos ko lang kasi noon maghakot ng paninda po tapos last na para magsubmit kaya dinalidali ko na pong tapusin tapos wala po kasi kaming wifi kaya naisipan ko na dito po ako maggawa,” kuwento ni Radores. 

Paliwanag naman ng nag-post na si Essel Bermundo, nais niyang magsilbing motibasyon si Radores. 

“Pinost ko po kasi gusto kong maging motivation po si Carla para sa mga kabataan po na kahit mahirap, na kahit konti yung resources nila, may way para po makapag-aral,” ani Bermundo. 

Ayon kay Radores, naapektuhan ang pag-iipon niya mula sa pagtitinda ng cheese stick sa mga kaklase habang pandemya. 

Ayon sa kaniyang ina na si Vicky, masipag mag-aral si Radores at maaasahan tulad ng 6 pa niyang kapatid. 

Humiram din si Radores ng kapital sa magulang na natigiil sa pagtitinda para makabili ng cellphone na paghahatian nilang magkakapatid sa pagaarangkada ng online classes. 

Ayon sa adviser ng Sagrada Familia Youth Organization, WiFi network ng hotel sa kabilang bahagi ng ilog ang nasasagap nina Radores at iba pang estudyante sa sitio. 

Bumuhos ang tulong sa mga mag-aaral at nangako na rin ang city government na ipapakabit ang libreng WiFi sa lugar. 

Pero habang hinihintay pa ito, nakikiusap sila sa hotel na huwag munang baguhin ang WiFi password para di maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante. — Ulat ni Jonathan Magistrado 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.